SC hindi na itinuloy ang interpelasyon kay Esperon sa isyu sa Anti- Terror law
Nagpasya ang Korte Suprema na kanselahin ang interpelasyon kay National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon Jr. kaugnay sa mga isyu sa Anti- Terror law.
Sa pagpapatuloy ng oral arguments nitong Lunes, sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na sasagutin na lamang ni Esperon sa pamamagitan ng isusumiteng memorandum nito ang mga katanungan sa kanya ng mga mahistrado.
Inatasan din ng Korte Suprema si Esperon na maghain ng komento sa mosyon ng mga petitioners na ipabura sa records ng hukuman ang kanyang mga testimonya at video presentation at kanselahin ang pagtatanong sa kanya.
Sa nakaraang pagharap ni Esperon sa oral arguments, ipinalabas nito ang dalawang videos ni CPP founder Jose Maria Sison kung saan tinukoy nito ang mga kaalyadong organisasyon ng CPP at NDFP.
Sa omnibus motion ng petitioners, hiniling nila na kanselahin ng SC ang interpelasyon kay Esperon at ipatanggal sa records nito ang mga testimonya at video presentation dahil sa red- tagging at mapanira ito laban sa mga lehitimong grupo.
Samantala, nag-isyu ang Korte Suprema ng show cause order laban kay Atty. Theodore Te para ipaliwanag ang naging pahayag nito sa social media pagkatapos ng oral arguments noong May 12.
Si Te ay isa sa mga petitioner at counsel sa kaso ng Anti- Terror law sa Korte Suprema.
Hindi naman tinukoy ng SC kung ano ang partikular na statement ni Te.
Moira Encina