SC ibinasura ang hirit na piyansa o house arrest ni Janet Napoles
Hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang nais ng itinuturong utak ng pork barrel funds scam na si Janet Napoles na pansamantala itong makalaya sa harap ng pandemya.
Sa 13-pahinang resolusyon ng Supreme Court Second Division, ibinasura nito ang mosyon ni Napoles na recognizance o piyansa o kaya ay house arrest.
Sa mosyon ni Napoles, iginiit nito na at risk siya na mahawahan ng COVID-19 sa Correctional Institution for Women dahil siya ay diabetic.
May “compelling reasons” din aniya na susuporta sa kanyang acquittal sa kaso.
Pero ayon sa SC, bigo si Napoles na maipakita na may natatanging dahilan para palayain ito pansamantala batay sa humanitarian grounds.
Ipinunto pa ng Korte Suprema na walang karapatang magpiyansa si Napoles dahil nahatulan itong guilty sa pandarambong na capital offense.
Inihayag pa ng SC na hindi puwedeng batayan ang panawagan ng international community na pansamantalang palayain ang mga inmates ngayong pandemya at ang Nelson Mandela Rules upang paboran ang mga hirit ni Napoles.
Nakasaad pa sa ruling na hindi aplikable kay Napoles ang recognizance dahil siya ay convicted sa kasong may hatol na reclusion perpetua at ito ay para lang sa mahirap na PDLs na hindi kayang magpiyansa.
Ang desisyon ay isinulat ni Justice Mario Lopez.
Moira Encina