SC ibinasura ang petisyon ng isang poll watchdog laban sa COMELEC dahil sa pagiging moot
Hindi kinatigan ng Korte Suprema ang petition for mandamus na inihain ng election watchdog na Automated Election System Watch (AES Watch) laban sa Commision on Elections (COMELEC) dahil sa pagiging moot and academic.
Sa resolusyon na isinulat ni Justice Mario Lopez, partikular na ibinasura ang hirit ng AES Watch na obligahin ang COMELEC na rebyuhin ang voter verifiable paper audit trail (VVPAT), gamitin ang panukalang “Camerambola” sa digital signing ng election results, at pag-alis sa pagbabawal sa capturing devices habang nasa loob ng polling precinct noong 2019 elections.
Ayon sa desisyon ng SC, moot and academic na ang petisyon ng grupo dahil wala nang justiciable controversy bunsod ng pagtatapos ng 2019 national elections.
Sinabi pa ng Korte Suprema na nabigo rin ang petitioners at intervenors na mapatunayan na umabuso ang COMELEC sa kapangyarihan nito at hindi ginampanan ang kanilang trabaho sa ilalim ng batas.
Binanggit ng SC ang isa nitong ruling na nakatugon ang poll body sa VVPAT requirement nang i-imprenta ang voter’s receipts at pisikal na naberipika ng mga botante ang kanilang boto.
Sa panukala naman na “camerambola,” sinabi ng SC na wala itong legal basis.
Ayon pa sa Korte Suprema, maaaring malabag ang ballot secrecy at sanctity sa Saligang Batas kapag pinayagan ang mga botante na kuhanan ng larawan ang VVPAT.
Ipinunto pa ng SC na tahimik ang petitioners kung ano ang layon ng “camerambola” at kung papaano isasagawa ng Comelec ang pag-audit sa lahat ng VVPAT at ikumpara ito sa election results.
Moira Encina