SC idineklarang labag sa Konstitusyon ang probisyon sa Bayanihan Law 2 na nagpapataw ng 5% franchise tax sa POGOs
Labag umano sa Saligang Batas ang probisyon sa Bayanihan Law 2 na nagpapataw ng 5% franchise tax sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
Sa mahigit 40- pahinang desisyon ng Korte Suprema, idineklarang unconstitutional ang Section 11(f) at (g) ng Bayanihan Law 2 o RA 11494 dahil sa paglabag sa “one subject, one title rule” ng Saligang Batas.
Nakasaad sa Section 11 ang source of funding para sa Covid measures ng pamahalaan kabilang na ang 5% franchise tax base sa gross bets o turnovers ng POGOs.
Paliwanag ng Supreme Court, nagpapataw ng bagong buwis sa POGO licensees ang nasabing probisyon kaya ito unconstitutional.
Ito ay dahil bago ang Bayanihan Law 2 ay walang batas na nagpapataw ng franchises taxes sa offshore-based POGO licensees.
Gayundin, walang statutory basis para sa pagpataw ng income tax at VAT sa POGOs bago isabatas ang Bayanihan Law 2.
Kaugnay nito, ipinawalang-bisa rin ng SC ang ilang revenue regulation at revenue memorandum circular na inisyu ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para ipatupad ang Section 11 dahil sa kawalan ng legal na batayan.
Sinabi pa ng SC na hindi maaari ang retroactive na aplikasyon ng RA 11590 o batas na nagpapataw ng buwis sa POGOs.
Ibig sabihin ay hindi puwedeng papanagutin o habulin ang POGOs para sa mga buwis bago maging batas ang RA 11590.
Moira Encina