SC idineklarang unconstitutional ang pinasok na joint oil exploration deal ng Pilipinas, Tsina at Vietnam noong 2005
Ipinawalang-bisa at idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema ang Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na nilagdaan ng state-owned oil firms ng Pilipinas, Tsina at Vietnam noong 2005.
Ang tripartite agreement ay para sa joint oil exploration deal sa 142,886 square
kilometers area o agreement area sa South China Sea.
Ayon sa Supreme Court, labag sa Konstitusyon ang JMSU ng China National Offshore Oil
Corporation (CNOOC), Vietnam Oil and Gas Corporation (PETROVIETNAM), at Philippine National Oil Company (PNOC) dahil pinapahintulutan nito ang mga “wholly-owned” na dayuhang korporasyon na lumahok sa exploration ng likas na yaman ng bansa.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang exploration, development, at utilization (EDU) ng mga likas na yaman ng Pilipinas ay dapat na sa buong kontrol at pangangasiwa ng estado o gobyerno ng Pilipinas.
Hindi kinatigan ng Korte Suprema ang argumento ng respondents na hindi aplikable sa JMSU ang nakasaad sa Saligang Batas dahil para lang sa “pre-exploration activities” ang kasunduan.
Katwiran ng SC, isinasaad sa JMSU na ang layon ng kasunduan ay madetermina kung may petrolyo sa agreement area at ito ay katumbas ng exploration.
Nagpaso ang kontrobersyal na kasunduan noon pang 2008.
Labing-dalawang mahistrado ang bumoto pabor sa pagdeklarang unconstitutional ng joint deal, dalawa ang kontra, at isa ang abstain.
Moira Encina