SC ipinawalang- bisa ang probisyon sa Party-List Law at panuntunan ng Comelec vs sa pagtakbo ng mga natalong kandidato
Idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema ang probisyon ng Party-List System Act at ang mga panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) na nagbabawal sa mga natalong party-list candidates na mapabilang sa listahan ng mga nominado bilang party-list representatives.
Sa desisyon ng Supreme Court, pinaboran nito ang petisyon na inihain noong 2021 nina Catalina Leonen-Pizzaro at Glen
Quintos Albano na mga kandidato bilang kinatawan ng party-list noong 2019 National Elections.
Kinuwestiyon ng petitioners ang constitutionality ng Section 8 R.A. No. 7941 o ang Party-List System Act, at ang
Sections 5(d) at 10 ng COMELEC Resolution No. 10717 na nagbabawal sa kandidato na natalo sa katatapos na halalan na mapabilang sa mga nominado sa pagka- party-list representatives.
Sa ruling ng SC, partikular na ipinawalang-bisa at idineklarang unconstitutional ang pangungusap na “a person who has lost his bid for elective office in the immediately preceding election,” sa ilalim ng Section 8 ng Party-List System Law.
Gayundin, ang mga pangungusap na “have lost in their bid for an elective office in the May 13, 2019 National and Local Elections” at
“or a person who has lost his bid for an elective office in the May 13, 2019 National and Local Elections,” sa ilalim ng Sections 5(d) at 10 ng Comelec Resolution No. 10717.
Sinabi ng SC na nilalabag ng mga nasabing pagbabawal sa mga natalong kandidato ang “guaranty of substantive due process” sa ilalim ng Saligang Batas.
Paliwanag pa ng SC, hindi puwedeng gawing eligibility ng gobyerno sa pagkandidato ang pagkatalo ng isang tao sa nakaraang eleksyon o gamitin ito na batayan para sukatin ang kakayanan nito para makapaglingkod.
Moira Encina