SC Justice Presbitero Velasco Jr pinasinungalingan ang pag-ugnay sa kanya ni Sen Leila de Lima sa isang convicted drug lord
Pinabulaanan ni Supreme Court Associate Justice Presbitero Velasco Jr. ang paratang sa kanya ni Senador Leila de Lima na isinulong niya ang pag-abswelto sa convicted drug lord na si German Agojo.
Ang pahayag ay inilabas ng mahistrado kasunod ng lumabas na ulat sa isang pahayagan na nagsasabing iniuugnay siya ni de Lima sa nasabing drug lord.
Ayon kay Velasco, hindi siya naghain ng dissenting opinion sa desisyon ng division ng korte suprema noong 2009 na isinulat ni retired justice Dante Tinga kung saan pinagtibay ang conviction kay Agojo.
Kahit anya verbally o sa salita ay hindi niya isinulong ang pagpapawalang- sala kay Agojo sa deliberasyon ng kaso nito.
Inilarawan pa ni Velasco na uneventful ang naging deliberasyon nila sa naturang kaso.
Nilinaw pa ng SC justice na hindi niya kilala, nakaharap o mayroon siyang anomang relasyon sa nabanggit na drug lord.
Tinukoy pa ni Velasco na ang pinagbatayan ni de Lima sa alegasyon nito ay ang balita na isinulat ng mamamahayag na si Maritess Vitug.
Si Vitug anya ay sinampahan ni Velasco ng kasong libelo sa manila RTC pero kanya lamang iniurong ang kaso out of compassion.
Naniniwala pa ang justice na ang pagtatangka ni de lima na siya ay mag-inhibit ay para magkaroon ito ng advantage sa nakabinbing kaso ng senadora sa supreme court kaugnay sa bilibid drug trade.
Ulat ni MOira Encina