SC kinatigan ang subpoena ng Sandiganbayan sa AMLC sa kaso ni dating FG Jose Miguel Arroyo
Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagiisyu ng subpoena ng Sandiganbayan sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa kasong plunder laban kay dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo.
Ang kaso ay ukol sa pagkakasangkot ni Arroyo sa sinasabing maanomalyang pagbili ng dalawang secondhand at overpriced helicopters.
Sa desisyon ng Supreme Court Third Division, idinismiss nito ang petisyon ng AMLC na kumukuwestiyon sa mga kautusan ng Sandiganbayan noong 2017 na nagbabasura sa hirit nitong motion to quash subpoena at motion for reconsideration.
Ipinasubpoena ng Sandiganbayan si noo’y AMLC Executive Director Julia Bacay-Abad para tumestigo at ilabas ang bank records ng Lionair na seller ng mga helicopters.
Pero, iginiit ng AMLC na anumang impormasyon mayroon ito ukol sa account ng Lionair ay confidential.
Alinsunod anila sa batas, pinagbabawalan ang mga covered institutions gaya ng mga bangko at kanilang mga opisyal at kawani na sabihin na may suspicious transaction report na ginawa.
Kinontra naman ito ng SC at sinabing hindi sakop at aplikable sa AMLC ang confidentiality provision sa batas.
Paliwanag ng SC, hindi gaya ng covered institutions, ang AMLC ay may mandato na imbestigahan at gamitin ang mga impormasyon mayroon ito para magsampa ng kaso laban sa mga lumabag.
Ayon pa sa Korte Suprema, hindi na rin isyu ang confidentiality dahil pumayag na mismo ang Lionair na maipakita ang records nito.
Moira Encina