SC: Mga abusadong nanay, maaaring mapatawan ng parusa sa ilalim ng VAWC law
Puwedeng kasuhan at maging offenders sa ilalim ng Anti-Violence Against Women and Children (VAWC) law ang mga nanay na umaabuso sa sariling anak.
Ito ang nakasaad sa 18-pahinang ruling ng Korte Suprema na pumapabor sa petisyon na inihain ng isang tatay na kumakatawan sa anak nitong babae na menor de edad.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, sinabi na maaaring maparusahan sa ilalim ng VAWC law ang mga abusadong nanay at maaaring humingi ng remedyo ang mga tatay sa ilalim ng nasabing batas para sa kanilang anak na inaabuso.
Nag-isyu rin ang SC ng permanent protection order laban sa ina ng bata.
Kinuwestiyon ng tatay sa SC ang ruling ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) na nagbasura sa hirit nito na temporary at protection orders laban sa nanay ng anak nito.
Hindi pinaboran ng RTC ang petisyon ng tatay dahil sa hindi umano maaaring mag-isyu ng protection and custody orders sa ilalim ng VAWC law laban sa nanay na inaabuso ang anak.
Katwiran pa ng RTC, hindi maaaring humingi ng remedyo sa VAWC law ang ama ng bata dahil hindi naman ito babae na biktima ng karahasan.
Pero kinontra ito ng SC at sinabi na pinapayagan sa VAWC law ang mga magulang o guardian ng offended party na maghain ng petisyon para sa protection orders.
Nilinaw pa ng SC na sakop ng VAWC Act ang mga sitwasyon kung saan ang nanay ang nakagawa ng mga marahas at abusadong akto laban sa sariling anak.
Moira Encina