SC pinabulaanan ang mandatory drug testing sa mga hukom at tauhan ng hudikatura
Itinanggi ng Korte Suprema ang ilang post sa social media na nagsasabing ipinagutos ang mandatory drug testing sa hudikatura.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting, walang kautusan ang Office of the Court Administrator (OCA) ng Korte Suprema na inoobliga na sumailalim sa drug testing ang lahat ng mga hukom at mga kawani ng mga hukuman.
Nilinaw ni Ting na ang iniuutos sa inisyung sirkular ng OCA na may petsang August 14 ay ang pagsailalim ng mga nabanggit sa basic annual physical examination bago o sa October 15, 2024.
Ipinunto pa ni Ting na alinsunod sa item F.5 ng Judiciary Health Care Plan on Annual Physical Examination random ang drug testing ng mga hukom, opisyal at empleyado ng hudikatura.
Moira Encina- Cruz