SC pinagtibay ang hiling ng DOJ na ilipat sa korte sa Maynila ang paglilitis sa mga kasong kaugnay sa Degamo killing
Sa korte sa Maynila na lilitisin ang mga kaso na may kinalaman sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, inaprubahan ng Korte Suprema ang kahilingan ni Justice Secretary Crispin Remulla na ilipat sa Manila Regional Trial Court ang pagdinig sa mga kaso na may kaugnay sa Degamo murder.
Sinabi ng SC PIO na nagbigay ng tatlong rason si Remulla sa kaniyang liham sa Korte Suprema noong Marso 9 bilang batayan sa transfer ng kaso.
Isa na rito ang isyu sa seguridad kapag ibiyahe sa Negros Oriental ang mga akusado na nakakulong ngayon sa NBI detention center sa Maynila.
Layon din ng transfer na maiwasan ang bias sa kaso at matiyak ang integridad sa prosekusyon nito lalo na’t may halong politika ang isyu na maaaring magdulot ng pananakot o harassment sa lahat ng partido.
Kumbinsido ang Korte Suprema na nasa best interest ng lahat ng partido kung ililipat sa Maynila mula sa Negros Oriental ang lugar ng paglilitis sa kaso ng Degamo killing
Tiwala ang SC na neutral venue ang Maynila para sa pagsasagawa ng patas na paglilitis sa kaso kung saan ang ilan sa mga biktima ay mga politiko at opisyal ng gobyerno.
Sa Tanjay Regional Trial Court unang inihain ang multiple murder case laban sa apat na nahuling suspek at 12 John Does habang sa Bayawan City RTC isinampa ang mga kasog illegal possession of firearms, ammunitions and explosives.
Moira Encina