SC pinagtibay ang rule sa asset preservation, seizure at forfeiture sa mga kaso ng money laundering
Epektibo simula ngayong Mayo 31 ang panuntunan
na inaprubahan ng Korte Suprema sa asset preservation, seizure at forfeiture sa mga kaso ng money laundering.
Ayon sa Supreme Court, aplikable ang rule sa lahat ng criminal actions sa alinmang korte sa bansa na may kaugnayan sa lahat ng krimen o paglabag na itinuturing na “unlawful activity” sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.
Sinabi ng SC na pinagtibay nito ang nasabing rule dahil batid nito ang benepisyo ng pagpreserba, pagsamsam, at forfeiture ng assets o ari-arian para mapigilan ang mga krimen sa ilalim ng AMLA.
Inihayag ng SC na bago ang inaprubahang panuntunan ay walang malinaw na rules ukol sa forfeiture o preservation ng ari-arian na subject, proceeds, o ginamit sa money laundering.
Alinsunod sa bagong rule, maaaring isulong ng prosekusyon ang asset forfeiture laban sa suspek, kinita o proceeds sa krimen, o alinmang ari-arian na ginamit sa paggawa ng krimen o paglabag.
Puwede ring amyendahan ng prosekusyon ang kasong inihain na may permiso ng korte kung sa paglilitis ay nabatid na may ibang property na ginamit sa money laundering.
Ayon pa sa rule, ang ex parte provisional asset preservation order na inisyu ng hukuman ay may bisa sa loob ng 20 calendar days.
Nakasaad din sa panuntunan na ang properties ay maaaring samsamin bago o pagkatapos na maihain ang kaso sa bisa ng search warrant o warrantless arrest, at dapat mai-dispose alinsunod sa Rules on Criminal Procedure.
Moira Encina