SC, pinagtibay ang ruling ng Omb. vs. ex- PCGG Chair Sabio
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairperson Camilo Sabio na kumukuwestiyon sa hatol sa kaniya ng Office of the Ombudsman sa pagiging guilty dahil sa pakikialam sa kaso na nakabinbin sa Court of Appeals (CA).
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, kinatigan nito ang ruling ng Ombudsman at ng Court of Appeals na naghatol kay Sabio na guilty ng grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service.
Napatunayan ng SC na ginamit ni Sabio ang puwesto at kapangyarihan nito bilang hepe ng PCGG para tangkaing impluwensiyahan ang desisyon ng kapatid nito na noo’y si Court of Appeals Justice Jose L. Sabio Jr. sa Meralco- GSIS case.
Dahil wala na sa pamahalaan si Sabio, iniutos ng SC na idiskuwalipika habambuhay si Sabio sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Kinansela rin ng Korte Suprema ang civil service eligibility at binawi ang retirement benefits ni Sabio.
Moira Encina