SC pinuri ang hukom sa Nuezca case dahil sa mabilis na pagresolba sa kaso
Binati ng Korte Suprema ang hukom na humawak sa mga kasong murder laban sa dating pulis na si Jonel Nuezca dahil sa mabilis na pagresolba nito sa kaso.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, sa kabila ng mga hamon dala ng pandemya at community quarantines ay nagawa ni Judge Stela Marie Gandia-Asuncion ng Paniqui,Tarlac RTC Branch 106 na dinggin at resolbahin ang dalawang kaso ng murder laban kay Nuezca sa loob lamang ng walong buwan.
Sinabi ni Gesmundo na ang “timely resolution” ng mga kaso ay parehong constitutional mandate at pangunahing aspeto sa paggawad ng katarungan.
Umaasa ang punong mahistrado na ang halimbawa ni Gandia-Asuncion ay maging inspirasyon sa mga nasa hudikatura.
Ang joint decision ng hukom ay maaga ng dalawang buwan sa 10-buwang deadline sa pagdinig at pagdesisyon sa mga kriminal na kaso.
Sinabi ng SC na maaaring mas maaga pa nadesisyunan ng judge ang kaso kung hindi sa dalawang forced lockdowns sa korte nito at Office of the Prosecutor bunsod ng COVID-19 infections.
Kabuuang walong testigo ang dininig ng judge kung saan ang lima ay sa prosekusyon at tatlo sa defense kabilang ang akusado na sumalang sa pamamagitan ng videoconferencing mula sa kulungan.
Moira Encina