SC PIO Chief Atty.Te, tutol na gawaran ng honorary doctorate degree ng UP si Pang. Duterte
Kontra si Supreme Court Public Information Office Chief at dating UP Vice-President for Legal Affairs Atty. Theodore Te sa plano ng University of the Philippines Board of Regent na gawaran ng honorary doctorate degree si Pangulong Duterte.
Sa post sa kanyang facebook account, inihayag ni Te na bilang alumnus at dating faculty member ng UP nasaktan siya sa nasabing plano ng kanyang unibersidad na kilalanin si Duterte.
Tahasang sinabi ni Te na pinahina ni Duterte ang rule of law at hinimok ang impunity sa bansa.
Dahil dito, umapela si Te sa mga miyembro ng BOR na pag-aralan muli ang plano nila na bigyan si Duterte ng pinakamataas na gawad ng unibersidad.
Ayon pa sa dating human rights lawyer, hindi sapat na gawing rason ng UP BOR na tradisyon na nito na gawaran ng honorary doctorate of law ang mga presidente ng bansa.
Nilinaw naman ni Te ang kanyang facebook post ay personal at walang kinalaman sa kanyang pagiging tagapagsalita ng Korte Suprema.
Ulat ni: Moira Encina