SC sa MERALCO: Dapat may 48 oras na disconnection notice bago putulin ang kuryente ng customers
Dapat umanong may written notice ang Manila Electric Company (MERALCO) ng 48 oras bago nito putulin ang suplay ng kuryente ng konsyumer.
Ito ang ipinunto ng Supreme Court na nagbabasura sa petisyon ng MERALCO.
Sa desisyon ng Korte Suprema, pinagtibay nito ang ruling ng Court of Appeals noong 2020 na lumabag ang MERALCO sa R.A. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994 dahil sa pagputol ng suplay ng kuryente ng isang customer nang walang abiso.
Sinabi ng SC na sa ilalim ng nasabing batas at sa due process requirements dapat ay may written notice nang hindi bababa sa 48 oras bago nito putulin ang kuryente ng konsyumer.
Nalabag umano ang due process requirements nang tanggalan ng suplay ng kuryente ng MERALCO ang customer nito sa parehong araw na pinadalhan ito ng disconnection notice.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo na inihain ni Lucy Yu noong 1999 laban sa MERALCO sa Valenzuela City regional trial court.
Sa kaniyang reklamo, sinabi nito na puwersahang pumasok ang MERALCO sa New Supersonic Industrial Corporation (NSIC) sa Valenzuela City na pag-aari ng kanilang pamilya.
Matapos umanong inspeksyunin ang lugar ay nag-isyu ang electric firm ng notice of disconnection at agad na pinutulan ng suplay ng kuryente ang pabrika at ang bahay nina Yu.
Moira Encina