SC umaasang mailalabas ang desisyon sa Anti- Terror law petitions bago matapos ang taon
Aminado si Chief Justice Alexander Gesmundo na maaaring matagalan ang Korte Suprema sa paghahanda pa lamang ng draft ng ruling nito sa mga petisyon laban sa Anti- Terrorism Act (ATA).
Aniya ito ay dahil na rin sa dami ng petisyon na inihain laban sa ATA.
Natapos ng Supreme Court noong Mayo 17 ang oral arguments sa 37 petisyon na kumukuwestiyon sa batas.
Pero, umaasa si Gesmundo na sa loob ng taong ito o bago matapos ang 2021 ay mailalabas ng SC ang desisyon sa kaso.
Nais ng mga petitioners na ibasura at ipatigil ng Supreme Court ang implementasyon ng ilang probisyon ng ATA dahil sa sinasabing mga paglabag sa Saligang Batas.
Ilan sa mga kinukuwestiyon ng mga petitioners ay ang malawak at malabong depenisyon ng terorismo sa batas.
Tinuligsa rin ng mga petitioners ang sinasabing sobra-sobrang kapangyarihan ng Anti Terror Council gaya ng pagtukoy kung sinu-sino ang mga terorista, at pagpapaaresto ng mga suspected terrorists.
Kinontra rin ng mga ito ang Section 29 ng ATA na ukol sa pagdakip sa mga suspected terrorists nang walang arrest warrant at pagditine sa mga ito nang walang kaso ng hanggang 24 araw bago ipaalam sa korte.
Moira Encina