Schedule ng 2024 Shari’ah Bar Exams iniurong
Inilipat sa Abril 28 at sa Mayo 2 ang Shari’ah Bar Exams.
Unang itinakda ang pagsusulit sa Pebrero 25 at 28.
Sa Shari’ah Bar Bulletin na inisyu ni Supreme Court Justice Maria Filomena Singh, sinabi na ito ay para mabigyan ng dagdag na panahon ang examinees para makapagreview, ihanda ang application requirements at para bigyan daan ang Ramadan ng mga Muslim.
Simula na rin ngayong Enero 29 hanggang Marso 18 ang application period para sa mga nais kumuha ng Shari’ah Bar Exams.
Ang paghahain ng aplikasyon ay sa pamamagitan lamang ng online application platform ng Korte Suprema na Bar Applicant Registration Information System and Tech Assistance (BARISTA).
Samantala, bukod sa digitalized na rin ang 2024 Shari’ah Bar Exams ay magiging localized na rin ang pagsasagawa nito.
Ang exam venue sa National Capital Region (NCR) ay sa UP Diliman sa Quezon City habang sa Region XI ay sa Ateneo De Davao University sa Davao City.
Moira Encina