SEA Games, ipagpapaliban ng Vietnam
HANOI, Vietnam (AFP) – Plano ng Vietnam na ipagpaliban ngayong taon ang Southeast Asian (SEA) Games, dahil sa nararanasang bagong virus outbreak.
Ang regional Olympics ay nakatakdang ganapin mula November 2 – December 2 sa Hanoi at sa 11 iba pang mga lokasyon, kung saan ang ilan dito ay sentro ng bagong COVID-19 wave.
Subalit napaulat na nais ilipat ng Vietnam ang SEA Games sa susunod na taon.
Ayon sa Phap Luat Online . . . “The Vietnam Olympics Committee, the host for SEA Games 31, has sent a letter to countries informing them of its proposal to postpone SEA Games 31 to July 2022 due to the complicated situation of the COVID-19 pandemic.”
Ang SEA Games Council na nakabase sa Bangkok, ay magpupulong ngayong araw para bumuo ng pasya. Kinumpirma naman ito ng Vietnam Olympics Committee.
Humigit na sa triple ang virus cases sa Vietnam mula noong Abril kung saan lampas na ito sa siyam na libo.
Bagama’t ang bilang ay mababa kung ikukumpara sa karamihan ng mga katabi nitong bansa sa timog-silangang Asya, ang vaccination rate per capita ng Vietnam ang pinakamababa sa rehiyon at pinakamababa rin sa Asya ayon sa AFP tally.
Ang SEA Games ay nakatakdang ganapin sa ilan sa pinaka malubhang naapektuhang lugar gaya ng Bac Ninh at Bac Giang sa hilagang-silangan ng Vietnam.
Katunayan, ang isang badminton venue sa Bac Giang ay ginawa nang field hospital.
Dati nang naging host ng multisports competition ang Vietnam noong 2003, kung saan naglaan ito ng isang budget na nasa $69 million para sa mga palaro.
Ang SEA Games ay inaasahang lalahukan ng halos 20-libong participants, kabilang na ang pitong libong mga atleta mula sa 11 mga bansa.
Gaya ng Olympic disciplines, ang mga laro ay malamang na kabilangan ng billiards at snooker, bodybuilding, chess, bowling at kurash, na isang ancient form ng Uzbek wrestling.
@ Agence France-Presse