SEA Games medalists makatatanggap ng cash incentives

Photo: www.facebook.com/OlympicPHI

Makatatanggap ng cash incentives mula sa kaban ng Philippine Sports Commission (PSC), ang mga atletang nakakuha ng medalya sa ginaganap ngayong 31st Southeast Asian (SEA) Games sa Hanoi, Vietnam.

Magpapalabas ang PSC ng hindi bababa sa P18 milyong cash bonuses, para sa mga miyembro ng Team Philippines, na nakakuha ng ginto, pilak at tansong medalya sang-ayon sa batas sa ilalim ng Republic Act 10699.

Kilala rin bilang National Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act, nakasaad sa batas ang pagkakaloob ng P300,000 para sa bawat individual gold medal na mapanalunan, habang ang para sa silver ay P150,000 at sa bronze ay P60,000.

Pahayag ni PSC Chairman William Ramirez . . . “I congratulate our athletes for a job well done. We’ll be expecting more medals to be won by Team Philippines in the coming days.”

Subali’t ang mga nabanggit na cash incentive na galing sa gobyerno, ay hindi lamang ang tanging monetary incentives na maaaring makuha ng medal-winning athletes sa SEA Games.

Tradisyon na ng Duterte administration, ang pagkakaloob ni Pangulong Rodrigo Duterte ng cash bonuses at pagbibigay ng dagdag na monetary rewards.

Ayon kay Ramirez . . . “Knowing the President, it’s his style to give additional cash bonuses aside from the incentives provided for by the law once the athletes visit him in Malacañang.”

Nakasaad din sa batas, na ang mga coach ng podium finishers ay makatatanggap ng 50 percent ng halaga ng cash bonuses na makukuha ng kanilang mga atleta.

Para sa team cash incentives, ang isang team ng apat o wala pa ay makatatanggap ng katumbas ng halaga ng individual medal na kanilang napanalunan, habang ang bawat miyembro ng isang team na may limang miyembro o higit pa ay bibigyan ng 25 percent ng halaga ng individual medal.

Ang medal winners naman na lumampas sa kasalukuyang Philippine records, SEA Games standards o records ng alinmang international competition ay makatatanggap din ng cash incentives na dedeterminahin ng PSC.

Ang pondo para sa mga nasabing cash bonuses mula sa gobyerno ay kinukuha mula sa net cash income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ire-remit naman sa National Sports Development Fund ng PSC.

Please follow and like us: