Search and rescue operations ng PCG sa FB Genesis 2 ,nagpapatuloy
Narekober ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong bangkay mula sa lumubog na fishing vessel na FB Genesis 2 sa Banganga, Davao Oriental noong June 22.
Kasabay nito ay puspusan ang search and rescue operations na isinasagawa para sa anim na nawawalang crew ng lumubog na bangka.
Ayon sa Philippine Coast Guard, ginagawa ang SAR sa loob ng 5 nautical miles radius mula sa lugar kung saan sinasabing lumubog ang fishing vessel.
Naglabas na rin ang PCG Station Davao Oriental ng “Notice to Mariners” kaugnay sa paglubog ng FB GENESIS 2.
May sakay itong 23 crew ng mangyari ang insidente, 14 sa kanila ang nahanap na at nailigtas, 6 ang nawawala pa rin habang 3 na ang patay.
Ayon sa mga nakaligtas na crew, nakaranas sila ng biglang pagbabago ng kondisyon ng dagat noong hatinggabi ng Hunyo 22.
1 oras lang ang lumipas lumubog na ang kanilang fishing boat.
Samantala, nadala na sa General Santos City ang 14 na crew na nailigtas maging ang 3 nasawing tripulante.
Dinala na ang kanilang bangkay sa pinakamalapit na punerarya.
Habang ang may-ari ng fishing vessel nakikipag-ugnayan na sa pamilya ng mga nasawi.
Madelyn Moratillo