Search operation sa isang underpass na binaha sa South Korea, inihinto na
Narekober ng rescue workers ang huling bangkay at tinapos na ang search operations sa isang binahang underpass sa South Korea, kung saan higit isang dosenang katao ang namatay sa isang insidente na sanhi ng maraming opisyal na mga imbestigasyon.
Nasa peak na ngayon ang South Korea sa kanilang summer monsoon season, at ang mga araw ng malalakas na mga pag-ulan ay nagresulta sa malawakang mga pagbaha at landslides, na nagpaapaw sa mga ilog, reservoirs at dams.
Samantala, tinatayang magkakaroon ng higit pang mga pag-ulan sa susunod na mga araw.
Sinabi ng interior ministry na 41 katao ang namatay at siyam pa ang nawawala sa buong bansa sanhi ng malakas na buhos ng ulan, na ang karamihan sa kanila ay natabunan nang gumuho ang lupa o kaya ay nahulog sa binahang reservoir.
Ayon sa interior ministry, tinapos na ang search and rescue operations sa 430-metro o 1,410-talampakang tunnel sa Cheongju, North Chungcheong province, makaraang marekober ng mga rescuer ang huling bangkay.
Ang tunnel ay binaha noong Sabado ng umaga matapos ang mabilis na pagragasa ng tubig-baha, kaya’t hindi na nakalabas ang nasa loob ng kanilang mga sasakyan.
Dagdag pa ng interior ministry, kabuuang 17 sasakyan, kabilang ang isang bus, ang na-trap at 14 katao ang namatay.
Kaugnay nito, mananatili munang sarado ang tunnel para sa karagdagang pag-iinspeksiyon bilang bahagi ng imbestigasyon sa naging sanhi ng insidente.
Nitong Lunes ay naglunsad ang South Korean government at ang pulisya ng hiwalay na pagsisiyasat sa nangyaring baha sa tunnel, kung saan isinisi ni President Yoon Suk Yeol sa maling pamamahala sa mga danger zone ang pagkamatay ng marami.
Karamihan ng casualties sa buong bansa, kabilang ang 19 na nasawi at walong nawawala ay mula sa North Gyeongsang province, na ang malaking dahilan ay ang malawakang landslides sa mabundok na bahagi ng lugar na lumamon sa mga bahay at sa mga nasa loob nito.
Tinaya naman ng Korea Meteorological Administration ang malalakas pang mga pag-ulan hanggang ngayong Miyerkoles, at hinimok ang publiko na “iwasan ang lumabas.”
Ang South Korea ay regular na tinatamaan ng mga pagbaha tuwing summer monsoon period, subalit tipikal na nakahanda ang bansa at ang bilang ng mga namamatay ay karaniwang mababa lamang.
Sinabi ng mga scientist, na dahil sa climate change kaya’t mas naging madalas at malubha ang weather events.
Nalampasan ng South Korea ang “record-breaking” na mga pag-ulan at pagbaha noong nakalipas na taon, na nag-iwan ng higit sa 11 kataong patay.
Kabilang dito ang tatlo kataong namatay nang ma-trap sa basement ng isang uri ng apartment sa Seoul, na naging sikat dahil sa Oscar-winning Korean film na “Parasite.”
Sinabi ng gobyerno na nang mga panahong mangyari ang pagbaha noong 2022, ay dumanas ang bansa ng pinakalamalakas na mga pag-ulan mula nang mag-umpisa ang Seoul na magtala ng panahon 115 taon na ang nakalilipas, na sinisisi ang climate change para sa “extreme weather.”