Sec. Aguirre, kumbinsidong mahina ang kasong isinampa ng Ombudsman laban kay dating Pangulong Aquino
Naniniwala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na mahina ang kasong isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng insidente sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng mga miyembro ng PNP –SAF.
Sinabi ng kalihim na masyadong maliit ang kasong usurpation of authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code at paglabag sa Section 3-a ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Aquino.
Ang mga nasabing kaso na may parusa lamang na pagkakulong ng hanggang anim na taon at maaring piyansahan.
Pero nilinaw ng kalihim na wala siya sa posisyon para magkomento at sabihin kung ano ang dapat ikaso kay Aquino.
Kasabay nito, inihayag ni Aguirre na ang findings ng Ombudsman sa kriminal na pananagutan nina Aquino at dating PNP Chief Alan Purisima ay nangangahulugan na abswelto si Dating PNP Special Action Force Director Getulio Napenas Jr na dati niyang kliyente.
Ulat ni: Moira Encina