Sec. Aguirre nangangamba sa posibleng epekto sa ekonomiya at national security ng problema sa overtime pay ng mga Immigration officer
Posibleng makaapekto nang malaki sa pambansang seguridad at sa ekonomiya kung matutuloy ang bantang mass leave ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa mga immigration counter sa mga international airport at ports.
Ito ang ikinakabahala ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa isyu ng hindi nababayarang overtime pay ng mga immigration officer mula pa noong Enero.
Sinabi ng kalihim na kung walang tatao sa mga immigration counter sa mga international port ay mapanganib ito sa national security.
Makakaapekto rin anya ito sa ekonomiya, lalo na sa turismo dahil hindi malayong madismaya ang mga banyaga na nais na magtungo sa bansa.
Tiniyak ni Aguirre na isasama sa pagpupulong ng gabinete ang problema tungkol sa overtime pay ng mga BI officers.
Ipapaliwanag anya nila ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco sa pulong ng gabinete ang pangangailangan na ibalik muna ang bayad sa overtime pay ng mga immigration officer habang hindi pa naipapasa ang bagong Immigration Law.
Ang bayad sa overtime pay ay kinukuha mula sa nakokolekta sa express lane ng immigration sa mga international port.
Pero ang paggamit ng bahagi ng kita mula sa express lane para sa overtime pay ng mga BI personnel ay kasama sa mga ivineto ni Pangulong Duterte sa ilalim ng 2017 national budget
Ulat ni: Moira Encina