SEC paiigtingin ang paghabol sa mga iligal at abusadong lending firms
Umaabot na sa mahigit 2,000 lending companies ang napawalang-bisa ang rehistro ng Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa mga paglabag sa Lending Company Regulation Act (LCRA).
Sa ulat ng SEC kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, sinabi na ito ay bahagi ng nagpapatuloy na paghabol nito sa mga iligal at abusadong lenders.
Ayon pa sa SEC, nakuha din nila ang conviction mula sa mga korte laban sa 76 indibiduwal sa walong kaso bunsod ng mga paglabag sa LCRA.
Kabuuang 76 online lending apps naman ang inisyuhan ng SEC ng cease and desist orders (CDOs) at 36 financing companies ang kinansela ang lisensya.
Iniulat pa ng SEC sa DOF na bubuo ito ng Financing and Lending Companies Division para tumutok lamang sa regulasyon at monitoring ng lending firms.
May online team din ang SEC na regular na nagsasagawa ng sweeping operations at nagmo-monitor ng lahat ng mga reklamo at social media platforms para sa mga posibleng illegal lending at abusive practices.
Moira Encina