Secretary Galvez umalma sa alegasyon ni Congressman Rufus Rodriguez na utay utay ang ibinigay na bakuna sa Mindanao
Pumalag si Vaccine Czar Carlito Galvez sa alegasyon ni Cagayan De Oro congressman Rufus Rodriguez na patingi tingi ang pagbibigay ng bakuna sa mga local government units.
Sinisisi ni Rodriguez si Galvez sa pagsasabing tumaas ang COVID cases at marami ang namatay lalo na sa Cagayan De Oro dahil sa paunti unting suplay ng bakuna.
Depensa naman ni Galvez, hindi pa man iniutos ng pangulo ang re calibration, nagpadala na sila ng mas malaking bulto ng bakuna sa Mindanao.
Katunayan sa Cagayan De Oro lamang aniya umabot na sa 1. 5 million ang napadala nilang bakuna.
Pero sinabi ni Galvez limitado ito sa Sinovac at AstraZeneca ang napadala nilang bakuna dahil hindi ito nangangailangan ng mababang temperatura gaya ng pfizer at moderna.
May mga lugar raw kasi sa Mindanao na walang kuryente at maaring masira ang bakuna.
Bukod sa Mindanao, sa revolving plan ng gobyerno bubuhusan aniya ng bakuna Metro manila at ang mga lalawigang may mataas na kaso ng COVID 19 oras na dumating ang mga karagdagang suplay ngayong buwan.
Aabot sa 11 million ang inaasahang suplay ng bakuna na darating ngayong Hunyo.
Meanne Corvera