Security plan inihahanda na ng PNP para sa SONA ni PBBM

Photo: pro10.pnp.gov.ph

Maaga pa lamang ay puspusan na ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) para sa pagdaraos ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kasama sa inihahanda ng PNP ang security plan sa paligid ng Batasang Pambansa at mga pulis na ide-deploy sa mga kilos protesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa July 24.

Tiniyak ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. na sapat na bilang ng pulis lamang ang ipapakalat ng pulisya.

“Makikita naman namin kung ano yung kailangang adjustment, but as much as possible ayaw natin yung tinatawag na overkill kasi nakita naman natin in the previous yung mga activities,” pahayag ni Gen. Acorda.

Tiniyak din ni Acorda na hindi pagbabawalan ng PNP ang mga grupo na magsagawa ng kilos protesta.

Ang nais lang ng PNP chief ay masiguro na maayos ang daloy ng trapiko at hindi maabala ang publiko.

“Tuloy-tuloy yung ating threat assessment but with regards to those areas kung saan sila puwede, may mga issuances ang mga mayors. Kung may mga Mayor’s permit we will recognize that. There are some designated areas na sinusunod natin diyan,” dagdag pa ni Gen. Acorda.

May pakiusap din ang heneral sa mga sasama sa protesta.

“While the expression of their rights, may I appeal especially yung pagbabato ng pintura, ako ay nakiki-usap na sana huwag naman natin gawin. Respeto na lang sa uniporme ng ating kapulisan. At the same time po ang hirap bumili ng uniporme, mahal po ang uniporme,” apela pa ng PNP chief.

Sa ngayon wala naman daw namo-monitor na banta sa seguridad ang PNP kaugnay ng ikalawang SONA ng Pangulo.

Mar Gabriel

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *