Seguridad ni Pangulong Duterte sa India dahil sa banta ng ISIS, tiniyak ng PSG
Tiwala ang Malakanyang sa koordinasyon ng Presidential Security Group o PSG at ng Indian police para sa seguridad ni Pangulong Rodrigo Duterte habang nasa India.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na lahat ng pag-iingat at pagpapatupad ng seguridad sa Pangulo ay mahigpit na pinatutupad ng mga otoridad.
Kasunod na rin ito sa intelligence report na nakalap ng Indian authorities na may banta ang ISIS o Daesh group laban kay Pangulong Duterte kasabay ng kanyang pagtungo sa India.
Bunga na rin ito ng mga naunang hakbang ng Pangulo na walisin ang ISIS sa Mindanao at sa pagkakapaslang kay Isnilon Hapilon na siyang kinikilala ng ISIS na kanilang leader sa Southeast Asian region.
Inihayag ni Roque na hindi nagpapadala sa mga banta ang Pangulo na madalas naman anyang marinig sa kanya na may panahon ang lahat ng pangyayari sa buhay ng tao.
Ang Pangulo ay dumadalo sa ASEAN-INDIA Commemorative Summit at sa Sabado pa babalik ng Pilipinas.
Ulat ni Vic Somintac
=== end ===