Seguridad para sa pagsisimula ng campaign period para sa local candidates tiniyak ng NCRPO

Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa panahon ng kampanya simula ngayong araw Marso 28 hanggang Mayo 10, 2025 na itinalaga upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na ilahad ang kanilang mga plano at adbokasiya bilang mga nagnanais maglingkod sa ating bayan.
Ayon kay NCRPO Director Brig. Gen. Anthony Aberin, tungkulin ng Phil. National Police (PNP), na tiyaking lahat ng mga kampanya ay magiging ligtas at mapayapa.

Sa pangunguna aniya ng Commission on Elections at pakikipagtulungan ng iba pang ahensya ng gobyerno, ang NCRPO ay maglalatag ng isang komprehensibong security coverage upang matiyak na ang lahat ng aktibidad sa panahon ng kampanya ay magiging payapa at naaayon sa batas.
Dagdag pa ni Aberin, magtatalaga sila ng mga pulis sa mga lugar na may mataas na bilang ng tao o aktibidad, mga lugar na inaasahang daragsain ng mga taga suporta ng mga kandidato, at mga lugar na pupuntahan ng ating mga kababayan sa panahon ng holiday season.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng plano ng NCRPO upang tiyakin ang maayos na pagsasagawa ng halalan.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ng pagkakataon ang bawat Pilipino na maipahayag ang kanilang boto nang malaya at may kumpiyansa. Sa masusing paghahanda, nananatiling mahalagang tagapagtaguyod ng kapayapaan at kaayusan ang NCRPO sa darating na eleksyon 2025.
Sisiguraduhin din ng NCRPO na mananatiling neutral at apolitical, walang kinikilingan at palaging nasa tama at nararapat lamang.
Archie Amado