Sen. Bam Aquino pinag aaralan ang pagsasampa ng kaso laban kay Aguirre
Pinag-aaralan na ni Senador Bam Aquino na sampahan ng kaso si Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Ito’y kahit pa mag public apology si Aguirre sa ginawang pagdawit sa kaniya sa Marawi siege.
Sinabi ni Aquino na hindi tamang magso-sorry lang si Aguirre sa tuwing magkakamali at papalpak ito dahil masyadong seryoso ang kaniyang mga alegasyon.
Nakakabahala aniya ang implikasyon ngayon ng mga pekeng balita na nagagamit na rin para siraan ang mga kalaban ng gobyerno.
Bukod sa kaso, pinag-aaralan na rin ni Aquino na paimbestigahan sa Senado ang iresponsableng paratang sa kanya ni Aguirre.
Samantala, kinastigo rin ni Senador Panfilo Lacson si Aguirre.
Bilang kalihim aniya ng isa sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno, dapat magsagawa ito ng fact check, at hindi pwedeng maglabas ito ng mga delikadong impormasyon na hindi beripikado.
Ulat ni: Mean Corvera