Sen. Bong Go umapela sa gobyerno na tiyakin ang tuluy- tuloy na suplay ng mga COVID-19 related na gamot
Nanawagan si Senador Bong Go sa gobyerno na siguruhin ang walang patid na supply ng mga pangunahing gamot sa merkado.
Ito ay kasunod ng mga ulat na nagkakaubusan ng paracetamol at iba pa pang gamot sa trangkaso at sipon nitong nakaraang linggo.
Paalala ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, sa mga ahensya ng pamahalaan dapat may regular na monitoring sa supply ng mga gamot na ginagamit sa treatment ng mga sintomas ng COVID-19.
Kasunod na rin ito ng nangyayaring surge ng COVID-19 cases at banta ng Omicron variant.
Dapat aniyang masiguro ang accessibility ng mga gamot na ito sa lahat lalo na sa mga mahihirap.
Una rito sinabi ng Department of Health na nakikipagtulungan na sila sa Food and Drug Administration at Department of Trade and Industry para masiguro ang tuluy-tuloy na supply ng health related goods.
Pagtiyak ng DOH sa kabila ng mataas na demand, walang shortage ng supply ng gamot.
Umapela naman si Go sa publiko na huwag mag-panic buying at bilhin lang ang kailangang suplay.
Pinalalahanan naman nito ang publiko na patuloy na sumunod sa health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID 19 at magpabakuna na.
Libre naman aniya ito at napatunayan na mild lamang ang sintomas sa mga bakunadong tinamaan ng virus.
Madelyn Moratillo