Senado, aalamin ang bisa ng face shield bilang proteksiyon laban sa Covid-19
Pinaiimbestigahan na ni Senate President Vicente Sotto III sa Senado ang bisa ng paggamit ng faceshield bilang proteksyon laban sa Covid-19.
Sa kaniyang Senate Resolution 757, sinabi ni Sotto na maraming pag-aaral na ang kumukwestyon kung may bisa nga ba ang faceshield para pigilan ang pagkalat ng Coronavirus disease.
Tinukoy nito ang pag-aaral ng US Centers for Disease Control and Prevention na nagsabing hindi epektibo ang faceshield para protektahan ang tao sa anumang respiratory droplets.
Sinabi rin aniya ng American Journal of Infection Control na sapat na ang paggamit ng surgical masks bilang proteksyon laban sa virus.
Sa nakaraang pagdinig ng Committee of the Whole ng Senado inatasan ang Department of Health na magsumite ng mga datos kung paano napoprotektahan ng face shield ang tao para hindi mahawa sa Covid-19.
Una rito, napikon si Sotto sa magkaka ibang pahayag ng Inter-Agency Task Force sa mandatory na paggamit ng faceshield.
Meanne Corvera