Senado, babalangkas na ng bagong labor code para matiyak ang security of tenure
Babalangkas na ng panibagong labor code ang senado para patatagin ang security of tenure.
Itoy matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na nagbabawal sa contractualization.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel, isasama nila ang panukala sa magiging priority bill ng senado sa pagbabalik ng sesyon sa May 15.
Kasama aniya sa lalamanin o probisyon ng panukala ang wakasan na ang illegal contractualization na ginagamit pa ng ilang malalaking kumpanya kabilang na ang ilang mga food chain.
Umaapila naman si Senador Sonny Angara sa pangulo na tiyakin rin ang proteskyon para sa mga migrant workers lalo na sa mga bansang matindi ang mga kaso ng pang-aabuso.
Ayon kay Angara, vice chair ng senate committee on labor, malinaw sa mga umiiral na batas na tungkulin ng gobyerno at ng mga ahensya nito na siguruhin ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
Aminado si Angara na hindi maiiwasan ang pangingibang bansa ng mga pinoy para maghanap ng trabaho dahil bukod sa walang disenteng trabaho, marami sa mga kumpanya ang nagpapatupad ng contractualization.
“Malinaw na isinasaad sa ating Konstitusyon na tungkulin ng pamahalaan na tiyaking hindi malalabag ang karapatang-pantao ng isang manggagawang Pinoy, saan mang panig ng globo ito nagtratrabaho. Dapat silang protektahan ng gobyerno at siguruhing di nalalagay sa peligro ang kanilang kapakanan.”
Ulat ni Meanne Corvera