Senado babalangkas na ng preliminary report sa imbestigasyon sa ₱6.4B shabu na napuslit sa Customs
Sisimulan na ng Senate Blue Ribbon committee ang pagbalangkas ng preliminary report sa nangyaring imbestigasyon sa pagkakapuslit ng 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu sa Bureau of Customs.
Ayon kay Senador Richard Gordon, Chairman ng komite, kasama sa lalamanin ng report ang rekomendasyon na makasuhan ang lahat ng sangkot sa drug shipment.
Kasama na rito ang may-ari ng shipment na si Richard Chen, broker na si Mark Ruben Taguba at mga tauhan at opisyal ng Customs.
Pero paglilinaw ni Gordon, itutuloy pa rin nila ang pagdinig sa laman ng privilege speech ni Senador Panfilo Lacson hinggil sa nangyayaring smuggling at pagtanggap ng lagay ng mga Customs officials.
Samantala, hindi naman nakadalo sa hearing si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa kabila ng subpoena ng Senado.
Ulat ni: Mean Corvera