Senado, balik sesyon na ngayong araw; Charter Change, hindi kasama sa agenda
Matapos ang isang buwang bakasyon, balik-trabaho na ngayong araw ang Senado.
Ayon kay Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri, marami silang nakahanay na Legislative Agenda para tulungang umusad ang ekonomiya ngayong may nararanasang Pandemya.
Kasama na rito ang ratipikasyon sa Bicameral Committee report ng CREATE o panukalang ibaba ang Corporate income tax at mag-rationalize ng Fiscal incentives sa mga dayuhang korporasyon sa bansa at Trust Fund ng Coconut farmers.
Aaprubahan rin ng Senado sa third reading ang amyenda sa Anti-Money Laundering Law para mabilis na maharang ang mga nagpupuslit ng illegal money sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Zubiri na hindi kasama sa kanilang agenda ang tinatalakay na Charter Change ng Mababang Kapulungan kahit pa ito ay nakatuon lamang sa Economic Provisions.
Hindi pa aniya ito pinag-uusapan sa ngayon at maraming Senador ang tutol sa anumang amyenda sa Saligang Batas.
Nauna nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na hindi malayong mabuksan ang iba pang probisyon ng Konstitusyon kapag ipinilit ang Chacha.
Meanne Corvera