Senado bubuo ng Technical Working Group para sa kinakasang Charter Change
Bubuo na ng isang Technical Working Group ang Senado para sa ikakasang Charter Change.
Sa harap ito ng isinusulong na pagpapalit sa kasalukuyang sistema ng gobyerno patungong Pederalismo.
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto, napagkasunduan ito sa isinagawang caucus ng Senate leadership sa pangunguna ni Senate President Koko Pimentel.
Isa sa mga pangunahing magiging trabaho ng TWG ay ang pagsasagawa ng mga pag-aaral hinggil sa pinakamabisang paraan na gagamitin sa Cha-Cha.
Kabilang na rito ang Constitutional Convention o Con-Con at Constituent Assembly o Con-Ass.
Nauna nang ikinonsidera ng Kamara na Con-Ass ang gagamiting paraan dahil mas matipid ito kumpara sa Con-Con.
Sa sistema ng Con-Ass ang mga kasalukuyang Kongresista na ang tatayong Assemblymen na babalangkas sa bagong Saligang Batas.
Sa kasalukuyan, ayon kay Sotto, kasama ang Cha-Cha sa tatlumput anim na priority bills ng Kongreso sa unang dalawang quarter ng 2nd regular session ng 17th Congress na tatagal hanggang Disyembre 15, 2017.
Ulat ni: Mean Corvera