Senado hinamon ng Kamara na pagtibayin na ang mga nakabinbing tax measures, para mapunan ang mawawalang pondo sa gobyerno dahil sa pagsasara ng mga POGO sa bansa
Umapela si Albay Congressman Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means sa kaniyang counterpart sa Senado, na pagtibayin na ang mga nakabinbing tax measures na pumasa na sa mababang kapulungan ng kongreso, na kinabibilangan ng Maharlika Investment Fund Bill at Increased Tax Rates on Alcohol and Tobacco Products Bill.
Sinabi ni Salceda na ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pagsasara ng lahat ng operasyon ng offshore gaming operator o POGO sa bansa na binanggit sa kaniyang katatapos na State of the Nation Address o SONA, ay executive decision subalit mayroon itong revenue losses sa panig ng gobyerno.
Ayon kay Salceda, tinatayang 12 billion pesos tax revenue ang mawawala sa gobyerno at 50 thousand ang mawawalan ng trabaho, at 538 thousand units sa real estate stock market.
Naniniwala naman si Salceda na kalkulado ni finance secretary Ralph Recto ang epekto sa fiscal management ng bansa ang pagpapasara ng pamahalaan sa operasyon ng lahat ng POGO sa bansa.
Vic Somintac