Senado Honasan, posibleng maupo sa DICT sa susunod na linggo
Posibleng sa susunod na linggo pa maitalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si
Senador Gregorio Honasan bilang bagong kalihim ng Department of
Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay Senate President Vicente Sotto, ito ang nabuong kasunduan
nang ipatawag sila ng Pangulo sa Malacañang noong October 29.
Dumalo aniya siya sa pulong kasama sina Senador Panfilo Lacson at Honasan, Secretary Bong Go at Executive Secretary Salvador Medialdea.
Pero paglilinaw ni Sotto, kahit lumabas na ang appointment ni Honasan,
mananatili pa rin itong miyembro ng Senado habang nakapending sa
Commission on Appointments ang kanyang kumpirmasyon.
Pero naniniwala ang Senador na lulusot si Honasan sa CA bago ang
kanilang break sa Disyembre.
Samantala, aminado si Sotto na malaking kawalan si Honasan sa Senado sa pagtatalaga rito bilang bagong DICT Chief dahil aabot na lang sa
21 ang miyembro ng Senado.
Gayunman, mahalaga aniya ang magiging trabaho nito sa lilipatang
ahensya lalo na sa isyu ng National Security sa pagpasok ng ikatlong
Telecommunications company.
Sa pagkakatalaga kay Honasan, nangangahulugan ito ng isa na namang
miyembro ng militar ang mapapabilang sa Duterte administration
Si Honasan ay miyembro ng Philippine Military Academy noong 1971 at
naging miyembro ng Reform the Armed Forces Movement o RAM na isa sa
mga kumilos para mag-alsa noon laban kay dating Pangulong Ferdinand
Marcos.
Ulat ni Meanne Corvera