Senado, inaalam ang mga paraan para mapanagot ang mga sangkot sa Riding-in-Tandem
Inaalam sa isinasagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee kung sino nga ba ang dapat managot sa tila napapadalas na pagkamatay ng mga indibidwal na kagagawan ng mga Riding-in-Tandem.
Ayon kay Senador Richard Gordon, maaaring makasuhan ng Misfeasance, Malfeasance at non-Feasance ang mga mapapatunayang hindi sumusunod sa Republic Act 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Ang Motorcycle Crime prevention Law ang isa sa mga inilatag na solusyon ng mga mambabatas para masugpo ang Riding-in-Tandem.
Sa pamamagitan ito ng pagpapalaki sa kanilang mga plaka na hanggang ngayon ay hindi pa naisasagawa ng Land Transportation Office (LTO).
Senador Richard Gordon:
“Kung walang plaka yung mortorsiklo, hanggang ngayon, mababawasan ang pinapatay, may suspetsa ako General Sinas and I’m sorry to say this marami tayong mga tirador di ko sinasabing kayo ha na pinapatay yung nagtutulak, eh pwede naman hong hulihin yan eh”.
Depensa naman ng PNP, ginagawa nila ang lahat ng paraan para maresolba ang mga kaso ng Riding-in-Tandem.
Katunayan, sinabi ni PNP Chief General Debold Sinas na nagsasanay sila ng mas maraming tauhan para maresolba ang ganitong kaso.
Mula 2016 hanggang 2020, aniya, naresolba na nila ang mahigit 9,000 sa 19,086 na mga kaso ng Riding-in-Tandem.
Samantala, target naman ng LTO na matapos na ang pagpapa-imprenta sa mga plaka hanggang sa June 2022.
Meanne Corvera