Senado sisiyasatin ang mga krimen na isinasangkot ang NBP
Iimbestigahan na rin sa Senado ang mga krimen na niluluto sa loob ng New Bilibid Prison.
Naghain na ng resolusyon si Senador Ramon Bong Revilla Jr. para imbestigahan ang impormasyon na nanggaling umano sa loob ng NBP para ipapatay ang brodkaster na si Percy Lapid.
Sa Senate Resolution 264 ni Revilla, iginiit niya na hindi dapat isara agad ang imbestigasyon kahit pa sumuko na sa PNP ang suspek na si Joel Escorial.
Ayon sa mambabatas, hindi maaaring ikonsidera bilang case solved dahil may mga kasabwat ang suspek na nananatiling at large.
Hiniling ni Revilla sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na imbestigahan kung paanong naipagpatuloy ng mga nasa loob ng bilibid ang paggawa ng krimen gayong napakahigpit ng seguridad at ipinagbabawal ang paggamit ng anumang uri ng komunikasyon .
Sinusuportahan naman ni Senador Koko Pimentel ang imbestigasyon.
Giit niya dapat agad matukoy ang mastemind sa pangambang may iba pa itong biktima.
Ang Chairman ng komite na si Senador Ronald bato dela Rosa, magpapatawag agad ng pagdinig at sinabi ng Senador na napapanahon nang ibalik ang death penalty para matigil na ang mga karumal dumal na pagpatay.
Kailangan na rin aniya ang reporma sa National Bilibid Prison para matigil na ang lahat ng iligal na aktibidad doon.
Meanne Corvera