Senado tinapos na ang pagdinig sa karahasan sa Negros Oriental
Tinapos na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon nito sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang kaso ng pamamaslang sa lalawigan.
Ayon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, babalangkas na sila ng report at rekomendasyon sa mga batas na kailangang pagtibayin.
Ito’y para matigil na ang paggamit ng mga pulitiko ng mga private army at ang mga karahasan na kinasasangkutan ng mga pulis at sundalo na nasa serbisyo at natanggal rito.
Sa huling pagdinig nitong Huwebes, May 11, pinayagan ng senador na magsalita ang mga supporters ni Degamo at mga taga-suporta ng umano’y mastermind sa pagpaslang na si suspended Congressman Arnolfo Teves Jr.
Gaya ng inaasahan nagpalitan sila ng akusasyon ng karahasan at inungkat ang mga isyu laban sa napaslang na gobernador pero hinarang na ni dela Rosa dahil hindi na ito makakadepensa.
Umabot sa 80 ang mga taga-Negros Oriental ang humarap sa pagdinig at mayroon pa sanang gustong tumestigo pero pinagsumite na lang ni dela Rosa ng affidavit.
Sa limang pagdinig, hindi dumalo si Teves na nais sanang humarap virtually o via teleconference pero hindi pumayag ang mga Senador.
Hindi rin naman pinaharap ng Department of Justice (DOJ) sa Senado ang mga arestadong suspek sa pagpaslang kay Degamo at sa walong iba pa para hindi ma-jeopardize ang nagpapatuloy na imbestigasyon.
Meanne Corvera