Senado, tinawag ni Sen. Trillanes na rubber stamp ng Malacanang
Tinawag ni Senador Antonio Trillanes na rubberstamp ng Malacanang ang Senado habang puppet naman ng Pangulo ang mga Senador.
Katunyanan, sinabi ni Trillanes na nawala na ang pagiging independent ng Senado at isa na ito sa mga itinuturing na most damaged institution.
Kung dati ang Senado aniya ang huling protektor ng demokrasya, ngayon ay para na aniya silang tuta ng administrasyon dahil sa pagtanging imbestigahan ang mga kaso ng kriminalidad kabilang na ang alegasyon ng extra judicial killings na ibinunyag ni retired SPO4 Arturo Lascanas.
Pinuna rin nito ang ilan aniyang Senador na Chairman ng mga komite na tumangging imbestigahan ang mga pag-abuso ng administrasyon.
Ilan sa tinukoy ni Trillanes ang resolusyon para pagpaliwanagin si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa ginawang pag downgrade sa kaso ni Police Supt. Marvin Marcos sa kasong pagpatay kay dating Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa at ang libo libong biktima ng pagpatay sa war on drugs ng gobyerno.
Tulad ni Duterte na aniya’y walang nagawa sa loob ng isang taong pamumuno maliban sa mga kaso ng pagpatay, sinabi ni Trillanes na bagsak rin ang performance ng Senado.
Katunayan, apat na panukala lang ang naisabatas ng Senado dahil sa mabagal na mga imbestigasyon.
Ulat ni: Mean Corvera