Senador Bato Dela Rosa, nakastigo dahil sa name calling
Binuweltahan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos nitong batikusin ang mga kapwa Senador na nagsulong ng budget cut para sa Barangay Development Fund sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Tinawag na “buwisit” ni Dela Rosa ang mga kasamahang Senador at iginiit na hindi dapat bawasan ang pondo ng NTF-ELCAC dahil malaki ang naitulong nito para walisin ang insurgency sa mga Barangay.
Pero ayon kay Drilon, hindi dapat pine-personal ni Dela Rosa ang mga kapwa Senador at dapat nitong itigil ang name calling.
Nakalulungkot aniya ang mga terminong ginagamit ni Dela Rosa samantalang ito ay debate para sa kapakanan ng taumbayan.
Paalala ni Drilon hindi pa naipapaliwanag ng NTF-ELCAC, kung paano ginastos ang inilaang pondo ng Kongreso sa ahensiya ngayong taon lalo na ang mahigit 16 billion para sa Barangay development.
Senador Franklin Drilon:
“Ito po ay debate para sa kapakanan ng taumbayan at tinitingnan natin kung paano ginastos ang pera ng taumbayan”. Ako, kumokontra ako. hindi naman siguro ako bwisit. Ito po, huwag na nating dalhin sa personalan, pag-usapan na lang natin. Stop the name-calling. It will not get us anywhere. It is an insult to the senators and the institution we belong to. Let’s stick to the issue”.
Mali rin aniya ang alegasyon ni Dela Rosa na pinupulitika nila ang isyu.
Bukod dito humahanap lang naman aniya ng paraan ang Kongreso para pondohan ang pagbili ng booster shot na dapat priority ng pamahalaan para hindi na maulit ang pagpapairal ng lockdown na pumatay sa maraming negosyo at ekonomiya ng bansa.
Sa 2022 aabot sa 28 billion ang inirekomendang pondo ng Department of Budget and Management pero tinapyasan ito ng Senado na umabot na lang sa 4 bilyong piso.
Meanne Corvera