Senador dela Rosa umalma sa pagdawit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ng pagpatay kay Percy Lapid
Pumalag si Senador Ronald bato dela Rosa sa mga nagnanais na idawit si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ayon kay dela Rosa, walang motibo ang dating Pangulo para ipapatay si Lapid.
Kahit isa aniya si Duterte sa mga binabanatan ni Lapid, nagretiro na ito sa pulitika at wala na itong maaaring protektahan na masisira ang kaniyang political career.
Masaya na raw ngayon ang dating pangulo at wala na itong balak na sumabak sa anumang posisyon sa gobyerno.
Malaya aniya ang sinuman na gumawa ng espekulasyon at pag isipan ang sinuman na idawit sa kaso pero dapat naayon ito sa mga ebidensya.
Pinatatahimik ng Senador ang mga aniya’y nagmamarunong at nagkukunwaring may alam sa imbestigasyon.
Inamin naman ng Senador na ikinukunsidera niya na huwag nang imbestigahan ang kaso ng pagpatay kay Lapid kahit pa may nakapending na resolusyon sa kanyang Committee on Public Order hinggil dito.
Katuwiran ni dela Rosa, mabilis na ang pag- usad ng kaso ni Lapid at may mga kinasuhan na rin ang PNP at NBI.
Nakikiisa naman ang Senador sa isinusulong na magtayo ng modernong pasilidad para sa mga bilanggo para hindi na madawit sa mga karumal dumal na krimen.
Meanne Corvera