Senate Committee on Ethics magdedesisyon na sa kaso laban kay Sen. de Lima sa Mayo
Posibleng magdesisyon na ang Senate Committee on Ethics sa dalawang reklamo na isinampa laban kay Senadora Leila den Lima.
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto, chairman ng komite, agad siyang magpapatawag ng all member caucus sa Mayo 2 para alamin ang kanilang pulso sa reklamo ni de Lima.
Kabilang na rito ang reklamo na isinampa ng grupo ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa umano’y pagharang ni de Lima sa pagtestigo ng driver/boyfriend na si Ronnie Dayan sa imbestigasyon sa pagkalat ng droga sa New Bilibid Prisons at reklamo na isinampa ng isang Atty.Ablerado de Jesus.
Huling linggo ng Enero nang magdesisyon ang komite na ipursige ang kaso laban kay de Lima matapos itong kakitaan ng form at substance.
“Ang latest before the break I gave the members copy amendment complaint the counter affidavit of her, we gave them, when we will resume I will call the members para hindi na makadagdag sa problema sa senado kay sen de lima at her and we will be able to reach the decision by then”. – Sen. Sotto
Pero hindi na oobligahin si de Lima na humarap pa sa deliberasyon ng komite lalo’t kasalukuyan itong nakakulong sa Kampo Krame dahil maari naman itong katawanin na lamang ng kaniyang mga abogado.
Inamin ni Sotto na kailangan na nilang madaliin ang pagdedesisyon sa isyu para hindi maakusahang pinoprotektahan o pinahihirapan si de Lima.
Sakaling mapatunayan ang Ethics complaint, ang isang miyembro ng Senado ay maaring patawan ng parusa kabilang na ang pagkakasuspinde o pagpapatalsik sa pwesto.
Ulat ni: Mean Corvera