Senador Bato dela Rosa, umurong na sa Presidential race
Isang oras bago magsara ang COMELEC office ngayong Sabado, ginulat ang publiko ng pagbibitiw ng kandidato ng ruling party na PDP-LABAN sa pagka pangulo na si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Alas-4:00 ng hapon nang magtungo sa COMELEC office sa Intramuros, Maynila si Dela Rosa para bawiin ang kaniyang certificate of candidacy (COC).
Ilang minuto lang ang nakalipas, dumating naman si Pangulong Rodrigo Duterte, Senator Bong Go at Executive Secretary Salvador Medialdea.
Binawi na rin ni Go ang kaniyang COC sa pagka vice president.
Si Go ang papalit kay Dela Rosa bilang kandidato sa pagka pangulo.
Pagkatapos ng paghahain ng COC, itinaas pa ng pangulo ang kamay ni Senator Go.
Paglilinaw ni Atty. Melvin Matibag, Secretary General ng PDP-LABAN, tatakbo si Go sa pagka pangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan o PDDS.
Ang PDP-LABAN ay nakipag-alyansa sa PDDS noong September.
Ang maugong na makakatandem umano ni Go na si pangulong Duterte ay hindi naghain ng kaniyang COC sa COMELEC kanina.
Pero sa isang statement ay sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar, na sa Lunes maghahain ng kaniyang COC ang pangulo.
Sa Lunes na, November 15, ang deadline ng pagpapalit ng mga kandidato.
Kapag nangyari ito, posibleng makalaban ng pangulo ang kaniyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte, na tatakbo rin sa pagka vice president sa ilalim naman ng LAKAS-CMD.
Hindi pa malinaw sa ngayon kung nagbitiw si Go sa PDP-LABAN at nanumpa bilang bagong miyembro ng PDDS, at kung nagbitiw na ang kanilang presidential bet na si Greco Belgica.
Nagkagulo naman sa tanggapan ng COMELEC dahil sa nakapasok ang mga taga suporta ni Go.
Sa labas ng kanilang tanggapan, marami rin sa mga taga suporta ng senador ang nag-abang bitbit ang mga tarpaulin.
Meanne Corvera