Senator Lacson sa mga kritiko ng Administrasyon,pulitiko at mga guro: Tigilan ang bangayan, katiwalian at pag-abuso sa pwesto
Umapila si Senator Ping Lacson sa mga kritiko ng administrasyon, mga pulitiko at ibat ibang grupo na itigil muna ang bangayan, korapsyon at pananamantala sa pwesto ngayong nahaharap ang bansa sa ibat ibang matinding problema dahil sa pandemya.
Ang panawagan ay ginawa ni Lacson sa harap ng hindi pa rin tumitigil na girian sa isyu ng debate sa problema sa West Philippine Sea at napaulat na korapsyon sa pagbili ng mga bakuna at medical equipment laban sa COVID- 19.
Sinabi ni Lacson na pinagtatawanan ng China ang Pilipinas dahil mismong mga lider ng bansa walang iisang paninindigan sa usapin.
Bagamat bahagi aniya ng demokrasya ang debate, pero nakakalungkot na nauuwi na ito sa bangayan at personalan kaya nakakalimutan na ang pagtugon sa mga tunay na problema ng bansa.
Pinuna rin ng Senador ang umano’y overpriced sa pagbili ng mga personal protective equipment, gamot at iba pang gamit laban sa COVID- 19.
Sana raw magkaroon muna ng moratorium sa katiwalian at maayos na magamit ang pondo pantugon sa pandemya.
Inirekomenda rin nito sa Department of Budget and Management na bawasan ng 20 billion pesos ang bilyon-bilyong Congressional insertions na minarkahan ng DBM na for later release.
Kabilang na rito ang bilyon bilyong pisong alokasyon sa Department of Public Works and Highways para sa mga Congressional district o proyekto ng mga kongresista.
Meanne Corvera