Serena Williams, maglalaro sa una niyang French Open night match
PARIS, France (AFP) – Muli na namang magiging bahagi ng kasaysayan si Serena Williams, kapag naglaro sa kaniyang unang French Open night-season match, habang ang kapwa naman niya beteranong manlalaro na si Roger Federer ay magsisimula na ring maglaro sa Roland Garros.
Muling tatangkain ng 39-anyos na si Williams na mapantayan ang all-time record ni Margaret Court na 24 Grand Slam singles titles, subalit dumating ito sa Paris galing sa dalawang ulit na pagkatalo mula sa tatlong clay match ngayong season.
Dinaig siya ng eventual champion na si Naomi Osaka sa Australian Open semi-finals noong Pebrero.
Ito ang ika-anim na ulit na nakarating si Williams sa semi-finals sa huling apat na major match mula nang huli siyang makakuha ng Slam title sa Melbourne, apat na taon na ang nakalilipas.
Makakaharap ni Williams ang Romanian na si Irina-Camelia Begu ngayong Lunes ng gabi, sa Court Philippe Chatrier na siya ring venue kung saan naganap ang kaniyang firt-round major exit laban kay Virginie Razzano noong 2012.
Hindi maganda ang mga senyales para sa 7th seeded na si Williams, na nakaranas na ng mga pagkatalo sa Rome at Parma sa mga unang bahagi ng buwang ito.
Subalit tiwala ito na magbabago ang mga pangyayari.
Ayon kay Williams . . . “My season doesn’t usually start this late on clay, but the training isn’t for nothing, so I know that it’s just a matter of time.”
Ang match na gaganapin ngayong Lunes ng gabi, ang kauna-unahang gagawin behind closed doors para sa torneo sa taong ito, habang ang France ay nagpapatupad pa rin ng 9pm curfew dahil sa COVID-19.
Samantala, patuloy naman ang paghahanda ni Roger Federer para sa Wimbledon at sa naantalang Tokyo Olympics, matapos mawala ng matagal dahil sa injury.
Ang 39-anyos na Swiss at French Open champion noong 2009, ay
pangalawang ulit pa lamang na maglalaro sa French Open sa nakalipas na anim na taon at nagbabala sa kaniyang mga fans na huwag umasang makakakuha siya ng titulo.
Ayon kay Federer . . . “When you’ve played so little and you know where your level is at, how can I think of winning the French Open? I’m realistic and I know I will not win the French, and whoever thought I would or could win it is wrong.”
Gayunman, si Federer ay nakaabot sa semi-finals sa huli niyang paglalaro sa Roland Garros noong 2019, kung saan tinalo siya ng katunggaling si Rafael Nadal.
Sa kauna-unahang pagkakataon, si Federer, Nadal at ang world number 1 na si Novak Djokovic ay kapwa nasa half draw sa isang Grand Slam.
@Agence France-Presse