Serum Institute ng India, nag-export na ulit ng Covid-19 vaccines
Ipinagpatuloy na ng Serum Institute of India, ang pinakamalaking vaccine maker sa buong mundo, ang pag-e-export ng Covid-19 vaccines para sa mahihirap na mga bansang nahihirapang makakuha ng suplay.
Ang shipment sa Tajikistan sa ilalim ng COVAX vaccine-sharing initiative agreement, ang unang shipment ng kompanya makalipas ang pitong buwan.
Ayon sa tweet ng bilionaire chief executive na si Adar Poonawalla . . . “This will go a long way in restoring vaccine supply equality in the world. It’s a huge moment to begin exports again, for us, our partners at COVAX and the low- and middle-income countries we support.”
Itinigil ng India ang pag-e-export ng mga bakuna noong Abril, sa gitna ng pakikipaglaban nito sa second wave ng Covid-19 infections at kakulangan ng bakuna.
Hayagang binatikos ni Poonawalla ang hindi pagkakapantay-pantay ng distribusyon ng bakuna kung saan tinawag nitong “unethical” ang mayayamang bansa para sa pagbibigay ng mga booster shot, habang ang ibang mas mahihirap na mga bansa ay hindi halos makapagbigay ng una at pangalawang dose ng bakuna sa kanilang mga mamamayan.
Sa ilalim ng COVAX, makukuha ng libre ng 92 pinakamamahirap na mga bansa sa buong mundo ang bakuna, dahil ang sasagot a gastusin ay ang donors.
Ang planta ng Serum Institute of India (SII) sa Pune ang hangad sanang maging unang suporta ng supply chain ng COVAX, ngunit napigilan ito dahil sa export ban.
Sa panimulang export nitong Biyernes, ay nakikitang malalampasan ng Serum ang target nitong makagawa ng isang bilyong doses ng Covishield – ang bersyon nito ng AstraZeneca jab – bago matapos ang taon.
Ayon kay Seth Berkley, CEO ng Gavi vaccine alliance na siyang nangunguna sa COVAX . . . “Covishield remains an important product which has the potential to help us protect hundreds of millions of people in the months ahead. The resumption of supplies from Serum Institute of India is an important development for COVAX as it enters its busiest period yet for shipping vaccines.”
Ang India ay nakapagbakuna na ng 1.2 bilyong doses sa kanilang mga mamamayan, 38 percent ng kanilang eligible population ay nakatanggap na ng dalawang doses, habang ang Covid-19 infections naman sa India ay bumaba na rin nitong nakalipas na mga linggo. (AFP)