Shakira, inatasan ng Spanish court na daluhan ang paglilitis sa kaniyang tax fraud case
Inatasan ng isang korte sa Espanya ang Colombian music superstar na si Shakira, na daluhan ang paglilitis kaugnay ng kabiguan niyang magbayad ng 14 na milyong euro bilang buwis.
Noong Hulyo ay sinabi ng prosecutors sa Barcelona na hihilingin nila na masentensiyahan ng higit walong taong pagkakakulong ang singer, at pagbayarin ng halos 24 na milyong euro o $24 na milyon, makaraan niyang tanggihan ang isang plea deal kaugnay ng akusasyon ng tax evasion.
Inakusahan nila ang 45-anyos na “Hips don’t Lie” songstress ng panloloko sa Spanish tax office ng 14.5 milyong euros o $14.7 milyon, sa kinita niya sa pagitan ng 2012 at 2014.
Pahayag ng mga prosecutor, lumipat sa Spain si Shakira noong 2011 nang malantad sa publiko ang relasyon niya sa FC Barcelona defender na si Gerard Pique, pero pinanatili niya ang kaniyang official tax residency sa Bahamas hanggang 2015.
Noong September 19, inatasan ng isang Barcelona court ang mang-aawit na dumalo sa paglilitis para sa anim na umano’y tax crimes, ayon sa isang court ruling na naisapubliko noong Martes.
Paulit-ulit namang itinanggi ni Shakira na may nagawa siyang mali at sinabing wala siyang dapat bayaran sa Spanish tax office.
Sa isang panayam noong nakaraang linggo ay sinabi ni Shakira, “I’m confident that I have enough proof to support my case and that justice will prevail in my favour. While Gerard and I were dating, I was on a world tour. I spent more than 240 days outside Spain, so there was no way I qualified as a resident. “
Aniya, “The Spanish tax authorities saw that I was dating a Spanish citizen and started to salivate. It’s clear they wanted to go after that money no matter what.”
Ang kaso ay nakasentro sa kung saan naninirahan si Shakira mula 2012 hanggang 2014.
Ayon naman sa mga abogado ng singer, hanggang 2014 ang malaking bahagi ng kinita ni Shakira ay mula sa kaniyang international tours, lumipat siya ng full time sa Spain noon lamang 2015 at binayaran ang lahat ng kaniyang obligasyon sa buwis.
Giit ng singer, nagbayad siya ng 17.2 million euros sa Spanish tax authorities at walang pagkakautang.
Argumento pa ni Shakira, tinatangka ng Spanish prosecutors na angkinin ang salaping kinita niya sa kaniyang international tour at mula sa kaniyang paglabas bilang judge sa show na “The Voice” sa Estados Unidos, nang mga panahong hindi pa siya residente ng Spain.
© Agence France-Presse